Thursday, March 1, 2012


Para Sa Aking Ama at Ina

Laking pasalamat ko sa Diyos sa biyayang Kanyang binigay
Isang ama at ina na sa aming apat na magkakapatid ay umalalay
Mula pagkabata, laking sakripisyo ang kanilang ginawa
Para mabigyan kami ng buhay na maayos at puno ng ginhawa

 Pinag-aral kami sa magandang eskuwelahan
Para matutunan ang mga iba’t-ibang mabuting asal at kaalaman
Na sa ami’y magagamit sa aming paglaki
At ito lamang ang kayaman na maibibigay nila na di mabibili

Ngayon kami’y mga nasa tamang edad na
At ang iba ay may sarili ng pamilya
Kanya-kanya na kaming may mga napiling buhay
Ganon talaga, darating din ang panahon na kami’y magkakahiwalay

Sa kabila ng lahat, ang aming mga magulang ay mga napanatag
Dahil sa kaming magkakapatid ay mga nagiging matatag
Sa kabila ng mga problema at hamon ng buhay
Kami’y di nawalan ng pag-asa at naging malumanay

Turo ng aming mga magulang, magtiwala lang sa Diyos
At ang lahat ng bagay ay magiging maayos
Ngayon ay matatanda na ang aking ama at ina
Salamat sa Panginoon sa binigay na mga biyaya sa kanila

Bigyan pa sana sila ng mahabang buhay
At maging masaya ang kanilang pagsasama at puno ng kulay
Maraming salamat, aking ama at ina
Dahil sa inyong pagmamahal, pag-unawa at pagkalinga

Pinapangako ko na sa inyong pagtanda
Ay lagi akong nandiyan at alalay sa inyong dalawa
Huwag mangamba at di kayo namin pababayaan
Kahit anong mangyari, palagi namin kayong aalagaan

Salamat sa Panginoon sa binigay na magandang biyaya
Isang ulirang ama at ina

No comments:

Post a Comment